Makulim ang kalangitan sa araw na ito. Habang nakaupo sa aking pwesto sa aking trabaho tanaw na tanaw ko ang maputlang kulay ng langit. Animo'y nagbabadya ng pag ulan. Bigla kong naisip wala akong dalang payong. Pero ok lang kung sakaling umulan man alam kung ito'y titila din. At dun nalang ako maglalakad papunta sa sakayan pauwi. Sa buhay ng tao maari din nating ihalintulad ang pabago bagong kalagayan ng panahon. May mga pagkakataon na para bagang wala ng katapusan ang mga dagok ng dumarating sa ating buhay. Ngunit pag ito'y tumigil at nakatayo parin tayo. Doon natin maiisip na kaya pala nating lumaban at magpatuloy sa buhay. Sa kabila ng mga pagsubok na nakaharang sa ating dinadaanan.
Bigla kong naalala ang pinagdaanan ko siyam na buwan ang nakalilipas. Di ko lubos maisip na andito parin ako ngayon normal na nakikipagsabayan sa buhay na animo'y walang nangyari. Octobre 22 taong 2010 ala-una ng madaling araw ako ay mabilisang isinailalim sa isang maselang operasyon upang tanggalin ang bahagi ng aking maliit na bituka. Ayun sa mga doctor ako ay nagkaron ng isang abnormalidad sa aking maliit na bituka na tinatawag nilang entussusseption- is a medical condition in which a part of the intestine has invaginated into another section of the intestine.Similar to the way a collapsible telescope slide into one another. Kinailanganing putulin ang bahagi ng aking bituka. Ipinasok ako sa nasabing hospital dakong alas dose ng tanghali at pagkalipas ng maraming mga pagsusuri sa gabi ding iyon agara nilang isinagawa ang operasyon upang sagipin ang aking buhay. Mahaba-haba din ang paghihirap na aking tiniis bago natuntun ng mga doctor kung ano ang sanhi ng tatlong buwang matinding pananakit ng tiyan na aking nararanasan. Dalawang clinic, tatlong hospital isama narin natin ang espiritistang pinagdalhan sakin. Kung ano anong mga sakit ang sinabi nila sakin. Merun daw akong ulcer,UTI,dyspepsia, acidic daw ako at ayun sa espiritista merun daw di ko alam kung tao o lamang lupa ang nagkagusto sakin kaya ganun na lamang ang di maipaliwanag na matinding sakit na aking naramdaman. Kung ano-anong mga gamot ang ipina inom sakin ng mga doctor at pinainom ako ng esperitista ng mantika na di ko alam kung saan niya kinuha at di ko maintindihan ang lasa. Ngunit ito ay ininum ko para lamang ako ay gumaling. Ngunit sa kabila nun walang pagbabago sa aking nararamdaman bagkus ito ay lumala pa. Hanggang sa dumating ang puntong di na ko makakain, di makalakad at di makatulog sa matinding sakit. Sa mga oras na iyon tanggap ko na sa aking sarili na marahil iyon na ang aking katapusan. Nagdasal ako sa Diyos na sana kung kukunin na niya ako. Bilisan naman niya ng matapos na ang paghihirap ko. Minsan naiisipan kung pigilan ang aking paghinga para matapos na. Ngunit tuwing naiisip kung gawin yun. Naaalala ko ang aking ina na nasa probinsya. Kamamatay lang ng aking ama isang buwan pa lamang ang nakalilipas at ito naman ako balak pa yatang isunod. Alam kong hindi kakayanin ng aking ina kung sakaling ako din ay mawala. Kaya't pinilit kung ipaglaban ang buhay ko sa kabila ng matinding sakit. Nilabanan ko ang sakit hindi para sa aking sarili kundi para sa aking pamilya na hindi sumusuko para sa akin. Marahil dininig ng Diyos ang aming mga panalangin, may nagsabi sa aking kapatid na dalhin ako sa isang pribadong ospital na espesyalista sa ibat-ibang uri ng karamdaman. Alam naming mahal ang nasabing ospital at siguradong hindi namin kakayanin ang magpagamot doon. Ngunit hindi pinanghinaan ng loob ang aking pamilya. Sa araw ding iyon ako ay dinala nila sa nasabing pagamutan. Pakiwari ko iyon na ang pinaka matagal na beyahe ng aking buhay. Nakarating kami dakong alas dose ng tanghali. Kinagabihan niyon isinagawa ang agarang operasyon upang masagip ang aking buhay. Dahil ayun sa mga doctor kung hindi ako operahin sa gabing iyon hindi na kakayanin ng aking katawan na umabot ng kinabukasan.
Sa gabing iyon pinutol ang bahagi ng aking bituka at muling idinugtong. Milagro na maituturing na nakayanan ko ang paghihirap na iyon sa kung kaylan malapit na bumigay ang aking katawan sinagip ako ng Diyos sa tiyak na kamatayan. Itinuro niya sa pamilya ko ang mga taong makakatulong upang ako ay maligtas. Nang magising ako sa isang silid pinakiramdaman ko kung buhay paba ako. At nang maramdaman ko ang kirot ng sugat sanhi ng operasyon natuwa ako kahit papano. Tagumpay ang pinaglaban ko "Buhay pa ko" Isang buwan akong nagpagaling sa ospital. Matapos ang operasyon pinilit kong lumakad. Sobrang hirap animo'y naubos lahat ng lakas na merun ako. Kahit ang tumayo sa aking kama hindi ko magawa.
At ngayon makalipas ang siyam na buwan matapos ang pangyayaring iyon. Andito ako at gustong ibahagi sa inyo ang milagro nang aking pangalawang buhay. Ang hirap na aking pinagdaanan, binuno at nilabanan para sa aking mga mahal sa buhay. Alam kong marami pa akong mga pagsubok na haharapin hanggang sa aking pagtanda at sa pagsasara ng kwento ng aking buhay. Ngunit alam kong gaya ng sakit na aking nalagpasan at napagtagumpayan. Itoy muli kong kakayanin dahil alam kung andyan ang aking Diyos na laging nakabantay at ang aking pamilya na alam kong hindi ako iiwan. Tanggap ko sa aking sarili na sa paglipas ng panahon. Tatanda ako at mamatay. Ngunit ang milagrong nangyari sakin ay dadalhin ko hanggang sa huling hantungan. Sa huli nagpapasalamat ako una sa Diyos na alam kung walang sawang gumagabay sa tao noon, ngayon at sa darating pang panahon. Pangalawa sa aking pamilya na hindi ako iniwan sa gitna ng aking pakikipaglaban.
Ang buhay ay nagpapatuloy kahit anong kondisyon merun tayo sa kasalukuyan. sa tag gutom man o sa sakit at sa hirap. Gaya ng oras patuloy itong tumatakbo. Ang mahalaga ay ang mga pakikipaglaban na ating napagtatagumpayan. At ang mga aral na ating natututunan at babaunin hanggang sa huling sandali ng ating buhay. At sa kung pano natin ito maibabahagi sa ating kapwa upang maging gabay din nila sa kanilang pakikipag buno sa araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento